Naniniwala ang maraming senador na bukas na ang Pilipinas sa mga mamumuhunan at hindi na kailangan pa na amyendahan ang 1987 Constitution.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments ukol sa Resolution of Both Houses No. 6, binanggit nina Sens. Sonny Angara, JV Ejercito, Grace Poe at Risa Hontiveros ang mga ginawang pag-amyenda sa Public Service Act (PSA) at sa iba pang mga batas para pumasok sa bansa ang mga banyagang mamumuhunan.
Nabanggit din nila ang Foreign Investment Act at Retail Trade Liberalization Act.
Natalakay sa pagdinig, na pinamunuan ni Angara, ang pag-amyenda sa mga probisyon na may kinalaman sa “public utilities and services.”
Dagdag pa ni Angara na napakahalaga na ng mga naging pag-amyenda sa PSA at napangalagaan ang pambansang interes at nasiguro ang pantay na mga serbisyo sa lahat ng mga Filipino.
“Its imperative that we strike a balance between promoting foreign investments and protecting our domestic industries,” diin ng senador.
Sinabi din nito ang awtoridad ng pangulo ng bansa na ire-“classify” ang public service bilang public utility.
Samantala, kinontra naman ni Poe ang mga argumento na “sarado” ang Pilipinas sa mga banyagang mamumuhunan.
Aniya ang pag-amyenda sa PSA ang nagbigay daan para magkaroon ng mga bagong investors sa airports, railways,. expressways at telecommunications at nagkaroon ng kompetisyon na pinakikinabangan ng mamamayan.
Dagdag pa ni Poe na kung naging mabusisi ang naging pag-amyenda sa PSA, kailangan na mas masuyod naman ang 37-anyos na Saligang Batas ng bansa.
Sa bahagi naman ni Hontiveros, nagbabala ito sa mga maaring gawin ng mga susunod na kongreso para maibigay sa mga banyaga ang public utilities at malagay sa alanganin ang pambansang seguridad.
Ayon naman kay Ejercito, sa pag-amyenda pa rin sa PSA tiniyak nila na ang sambayanan ang lubos na makikinabang sa pamamagitan ng pagsasa-ayos ng mga imprastraktura at utilties.
Binanggit pa niya ang pagkakapasa sa Public-Private Partnership Code para mapagbuti ang mga serbisyo, utilities, enerhiya at imprastraktura sa bansa.