Mga eksperto sa mga batas at pagnenegosyo ang mga inaasahang pangunahing resource persons na haharap sa ikalawang pagdinig sa Senado ng Resolution of Both Houses (RHB) Number 6 ngayon araw.
Sa abiso na inilabas ng tanggapan ni Sen. Sonny Angara, ang namumuno sa binuong Subcommittee on Constitutional Amendments, kabilang sa mga naimbitahan sina dating Chief Justice Reynato Puno, retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, Atty. Jude Ocampo at Atty. Rene Sarmiento.
Naimbitahan din ang mga namumuno sa Makati Business Club at Joint Foreign Chamber of the Phils.
Inaasahan din ang pagdalo ng mga kinatawan ng siyam na ahensiya ng gobyerno.
Kasabay nito, hinikayat ni Angara ang publiko na panoorin o pakinggan ang pagdinig para mabigyan linaw sila sa mga isyung kaugnay sa Charter change o Cha-cha.
Ayon pa sa senador maaring bumagsak sa mga kamay ng mamamayan ang napakahalagang isyu kung ito ay iaalok na sa pamamagitan ng plebisito.