Siniguro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi na mapapakinabangan ang higit P4.51 bilyong halaga ng ibat-ibang klase ng droga.
Sa pamamagitan ng tinatawag na thermal decomposition isinagawa ang pagwasak sa droga sa isang pasilidad sa Trece Martires City sa Cavite at ito ay pinangunahan ni PDEA Dir. Gen. Moro Lazo.
Kabilang sa mga winasak na droga ay 725 kilo ng shabu, kabilang ang 53o kilos na nakumpiska sa isang operasyon ng National Bureau of Investigation sa Pampanga noong nakaraang Setyembre.
Bukod pa dito ang 535 kilo ng marijuana, tatlong kilo ng ecstasy at pitong kilo ng cocaine.
Sinabi ni Lazo na ang pagwasak sa mga droga ay isinagawa matapos mabigyan ng clearance ng mga korte, kung saan naiprisinta ang mga ito na ebidensiya.
Nasaksihan ang pagwasak sa mga droga ng mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), PNP, Department of the Interior and Local Government, iba pang law enforcement agencies at ng mga lokal na opisyal.