Villanueva: Senado may “palabra de honor” sa Charter change 

SENATE PRIB PHOTO

Tiniyak ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na paninindigan ng Senado ang mga nabitawang salita sa pagtalakay sa pag-amyenda sa 1987 Constitution. Ayon kay Villanueva lubhang pinahahalagahan ng mga senador ang “transparency and accountability.” Giit niya napakahalagang bahagi ng mga trabaho sa Senado ang pagsasagawa ng mga pagdinig at imbestigasyon. “Ang bottomline po dito is ginagawa ng Senado ay ‘yung trabaho. Trabaho po natin ito. Kaya naman namin isabay ang pagdinig at pag-investigate,” ani Villanueva. Dagdag pa niya: ” Kasi hindi naman tayo ka-busy sa paggawa ng mga resolusyon supporting our Senate President or supporting Senator Imee Marcos. Kasi po dito sa Senado, alam na nating kung ano ‘yung tama at hindi na kailangan ng mga ganyan kasi alam naman nila na they have the supportof the Senate.” Sinabi ni Villanueva ang mga ito kaugnay sa pagdinig ng binuong Subcommittee on Constitutional Amendments, sa pamumuno ni Sen. Sonny Angara, sa Resolution of Both Houses No. 6, na layong maamyendahan ang tatlong partikular na probisyong pang-ekonomiya sa Saligang Batas. “I think it si important to note na ang Senado ay tunay na may isang salita,” diin ng senador. Ang pagdinig ay pagtalima lamang aniya sa nais ni Pangulong Marcos Jr., na pangunahan ng Senado ang pagtalakay sa pag-amyenda sa ilang probisyon ng Konstitusyon. Siniguro din nito na hindi mamadaliin ng Senado ang proseso at masusing hihimayin ang lahat ng mga boses. Sabi pa ni Villanueva, habang tinatalakay sa Senado ang RBH No. 6, patuloy silang magbabantay sa anumang pagtatangka na isulong ang Cha-cha sa maling pamamaraan. Ukol naman sa ipinanawagan na “ceasefire,” sinabi ni Villanueva na sa kanyang pagkakaintindi hindi nangangahulugan na titigil na silang mga senador sa kanilang trabaho. “Linawin ko lang po kasi yung sinasabing ceasefire eh ceasefire sa usapin ng PI, kaya we will refrain from debating on the issue,” saad pa niya.

Read more...