1 milyon inaasahan dadagsa sa Manila Chinatown sa Chinese New Year
Isang milyon ang inaasahang dadagsa sa Binondo sa darating na Biyernes, Pebrero 9 hanggang sa susunod na araw kaugnay sa pagsalubong at paggunita ng Chinese New Year ngayon taon.
Sa isang news forum, ibinahagi ni Manila Administrator Bernie Ang mga magiging aktibidad sa pagsalubong sa Year of the Wooden Dragon.
Kabilang aniya ang 12 minutong fireworks display sa pagsalubong sa bagong taon sa Filipino-Chinese Friendship Bridge o ang Binondo-Intramuros Bridge.
May 20 floats naman ang kabilang sa grand parade sa paligid ng pinakamatandang Chinatown sa buong mundo.
Kaabang-abang aniya ang pagpapa-agaw ng “angpao” o ang mga pulang envelopes kasabay ng parada.
Ibinahagi naman ni Manila Chinatown Barangay Organization president Jefferson Chua na tuloy-tuloy na ang konstruksyon ng “Pagoda,” na inaasahang mapapabilang na “tourist spot” sa bansa.
Sinabi naman ni Manila Chinatown Development Council Executive Dir. Willord Chua na maraming establismento sa Binondo ang magbibigay ng diskuwento.
Inaasahan na maghihigpit ang Manila Police District (MPD) sa seguridad bagamat walang inilabas na guidelines para sa mga makikibahagi sa mga pagdiriwang.
Asahan na rin ang pagsisikip ng trapiko sa mga kalye sa Binondo, maging sa mga katabing lugar dahil sa pagdagsa ng mga bisita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.