Paglibing sa people’s initiative inihirit ni Hontiveros sa Comelec
Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Commission on Elections (Comelec) na tuluyang ng ihinto ang pagtanggap ng mga pirma at putulin na ang iba pang proseso na may kaugnayan sa people’s initiative o PI.
Ginawa ni Hontiveros ang panawagan kasabay nang pagdinig ng Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa Resolution of Both Houses No. 6, para sa pag-amyenda sa piling probisyong pang-ekonomiya sa Saligang Batas.
Magugunita na noong Enero 26, sinuspindi ng Comelec ang lahat ng proseso na may kaugnayan sa pangangalap ng mga pirma ng People’s Initiative Reform Modernization Action (PIRMA), ang pangunahing grupong nagsusulong ng people’s initiative.
Ikinatuwiran ng Comelec ang kakapusan ng tamang pamamaraan para sa naturang inisyatibo.
Gayunpaman, hindi pa rin kumbinsido si Hontiveros na ang “economic Charter change o Cha-cha” ang solusyon sa mga hamon sa ekonomiya ng bansa.
“Hindi po solusyon ang Cha-cha kahit sabi nilang purely economic provisions para bawasan ang mga tunay na iniinda natin,” ayon pa kay Hontiveros.
Aniya ang mga tunay na hamon sa pangangalap ng banyaga at lokal na pamumuhunan ay korapsyon, red tape. burukrasya at ang mataas na halaga ng kuryente.
“Walang pananagutan ang 1987 Constitution sa mga bagay na ‘yon,” pagpupunto pa ng senadora, na sinabing may sapat ng batas para sa liberelasyon ng ekonomiya, tulad ng RA 10641 o pag-amyenda sa Foreign Bank Liberalization Act, the Retail Trade Liberalization Act, ang Public Service Act at ang Foreign Investments Act.
Ayaw din niyang paniwalaan ang pahayag ng mga nagsasabi na nililimitahan ng 1987 Constitution ang ilang sektor.
“Yang sinasabi nilang restrictive-restrive na ‘yan, ‘di po totoo ‘yan. Wag sana nating gawing collateral damage ang Konstitusyon… ang mismong kaluluwa ng bansa. We, the Filipino people, will determine our destiny, hindi ‘yung ambisyon lang ng iilan,” dagdag pa ni Hontiveros.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.