Thank you, Mr. President – VP Sara Duterte

Pinasalamatan ni Vice President at Education Secretary si Pangulong Marcos Jr., dahil sa patuloy na pagtitiwala at kumpiyansa sa kanya.

Kasabay nito, sinabi ni Duterte na bagamat inirerespeto niya ang kanyang ama, si dating Pangulong Duterte, at kanyang mga kapatid, hindi nangangahulugan na sinasang-ayunan niya ang mga pahayag ng mga ito.

“Taos-puso po akong nagpapasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang patuloy na tiwala at kompyansa sa akin bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon,” ani Duterte.

Sabi pa niya: “Nagpapasalamat din ako kay Apo BBM sa kanyang paggalang sa aking mga paninindigan.”

Ito ay tumutukoy sa kanyang oposisyon sa people’s initiative na sinasabing isinusulong ng ilang kongresista, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez.

“May respeto ako sa mga pananaw at opinyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pati na ng aking mga kapatid. Ngunit, katulad ng posisyon ko sa maraming mga isyu, hindi kailangan na sumasang-ayon ako sa lahat ng mga ito. Pinalaki ako ng aking mga magulang na may pagpapahalaga sa malayang pag-iisip at pagpapasya,” dagdag pa nito.

Magugunita na noong Linggo, sinabi ng dating pangulo na drug user si Pangulong Marcos Jr., samantalang nanawagan naman si Davao City Mayor Sebastian Duterte sa pagbibitiw ng Punong Ehekutibo.

Read more...