Dumulog si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian sa ilang kinauukulang ahensiya ng gobyerno para sa mas komprehensibong tulong at serbisyo sa mga pamilya at indibiduwal na naninirahan sa mga lansangan.
Ginawa ito ni Gatchalian sa unang pulong ng Inter-Agency Committee (IAC) meeting para sa “Oplan Pag-Abot.”
Hiniling ng kalihim sa ibang ahensiya na sama-samang maabot ang layon ng Executive Order (EO) No. 52, ang mapagbuti ang pagbibigay tulong sa mga ginawang tirahan na ang lansangan.
“They are in the streets because the state fails them. Now, it is time for us to make up for our shortcomings, tayo (we), the state, by providing them with the necessary social protection that they need and we really need your help with it,” ani Gatchalian.
Paliwanag ng kalihim na ang hinihinging suporta ng DSWD sa ibang ahensiya ay ang pangangalaga sa mga pamilya at indibiduwal kapag sila ay nabigyan na ng paunang tulong ng kagawaran.
“Ang iniisip namin na support from other agencies will be the aftercare, lalong lalo na kapag inuwi namin sila sa probinsya. Baka may iba pa kayong in-kind support that you can help us with,” aniya.