Naghain ng resolusyon si Senator Jinggoy Estrada para maimbestigahan sa Senado ang hindi tamang pagtrato sa mga basurero.
Sa Senate Resolution No. 914, tinukoy ng namumuno sa Senate Committee on Labor ang International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (I-SWIMS).
“Nakakabahala ang sitwasyon ng mga basurero ng I-SWIMS at kung may mga katulad na kumpanya, dapat maimbestigahan ang kanilang umano’y paglabag sa batas paggawa para matiyak na hindi napapagsamantalahan ang mga manggagawa. Karapatan ng mga manggagawa na mabigyan ng patas na pagtrato at mabigyan ng proteksyon at benepisyo na ipinag-uutos ng batas,” ani Estrada.
Ipinarating sa senador ng higit 70 basurero na sa halos apat na taon na kanilang paninilbihan sa I-SWIMS ay itinuring lamang silang “volunteers” ngunit pinagpagtrabaho ng hindi bababa sa 18 oras araw-araw o mula alas-5 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi.
Bukod pa dito, P250 hanggang P300 lamang ang kanilang suweldo, na napakababa sa daily minimum wage na P573 hanggang P610.
Wala din aniya silang overtime pay at night shift differential, walang day-off at nagta-trabaho tuwing holiday ng walang holiday pay.
Bukod pa dito ay wala din silang coverages mula sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Home Development Mutual Fund (PagIBIG Fund).
“Ayon sa kanila, may ilang tagakolekta ng basura ang namatay na dahil sa mga sakit tulad ng leptospirosis, at hindi nagbibigay ang kumpanya ng anumang tulong para sa pinsala, sakit, o kamatayan,” sabi pa ni Estrada.