Pinakamalaking kompaniya sa Vietnam interesadong mag-negosyo sa Pilipinas
Inihayag ni Pangulong Marcos Jr., na nagpahayag ng interes na maglagak ng negosyo sa Pilipinas ang pinakamalaking pribadong kompaniya ng Vietnam.
Ayon sa pangulo binabalak na ng Vingroup Company na magpadala ng electric vehicles sa Pilipinas, gayundin ang pagpapatayo ng pagawaan ng baterya.
Ibinahagi ito ng Punong Ehekutibo sa pagtitipon ng mga Filipino sa Melia Hotel sa Hanoi sa unang araw ng kanyang state visit sa Vietnam.
“Meron kami kanina lang, nakipag-meeting kami sa Vingroup. Siguro kilala nyo kung sino ang Vingroup. Yun iba sa nyo nasa Vingroup,” anunsiyo ni Pangulong Marcos Jr.
Dagdag pa niya:“Dahil sila gusto nilang pumasok sa Pilipinas, magiging expat kayo sa Pilipinas.”
Binanggit nito na ang Vingroup Co., ay may $21.1 billion market cap hanggang noong nakaraang Abril at nagpahayag na ng kagustuhan na makagawa ng mga baterya sa Pilipinas at nais makapagbenta ng mga electric vehicles sa darating na Abril.
Nasa Vietnam si Pangulong Marcos Jr., base sa imbitasyon ni Vietnamese President Vo Van Thuong at magtatagal hanggang bukas ang kanyang pagbisita.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.