Nilinaw ng Commission on Elections Employees’ Union o Comelec-EU na ang isinagawa nilang candle-lighting activity ay hindi pagpapakita ng suporta kay Chairman Andres Bautista o sinumang opisyal o miyembro ng poll-body.
Noong June 30, nagsagawa ng simultenous activity ang mga empleyado ng Comelec sa buong sa bansa.
Sa isang memorandum ng Comelec-EU na may petsang July 01, 2016 pero inilabas ngayong araw, sinabi ng grupo na ang aktibidad ay isang panawagan para sa unity o pagkakaisa sa komisyon.
Ito’y sa gitna ng iringan sa pagitan ni Bautista at mga commissioner ng Comelec, at sa nakatakdang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Sinabi pa ng Comelec-EU na sa kasagsagan ng pagtitipon, ang mga speaker ay walang bibanggit na pangalan o nagpahayag ng suporta sa sinumang miyembro ng En Banc.
Dagdag ng Comelec-EU, gusto nila na mabigyang-pansin ang mga pangunahing isyu at concerns ng mga rank and file employees ng komisyon, gaya ng healthcard para sa mga manggagawa, Collective Negotiation Agreement na isinusulong ng unyon, at pagbabalik ng mga benepisyo para sa casual employees at iba pa.
Kinumpirma naman ng Comelec-EU na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon hinggil sa usapin, habang patuloy din umano silang mananawagan ng kapayapaan at pagkakaisa sa Comelec.