Sen. Imee Marcos inalmahan “pera para sa pirma” modus sa Cha-cha

By Jan Escosio January 26, 2024 - 07:35 PM

FILE PHOTO

Dahil sa mga ulat ng malawakang panunuhol at panloloko, naniniwala si Senator Imee Marcos na mabibigo ang isinusulong na people’s initiative o PI.

Sabi ni Marcos pera pa ng taumbayan ang ginagamit sa perang ipinangsusuhol para sa pagpirma sa PI, gayundin para impluwensiyahan ang opinyon ng publiko.

Aniya bukas ang Senado sa pag-amyenda sa Saligang Batas ngunit kailangan lamang tiyakin na ang lahat ay isinasagawa sa tamang proseso at hindi sa panloloko sa publiko.

“Ang mga senador hindi naman tutol sa pagbabago ng economic provision. Sabi nga namin, tama naman ‘yan, overdue na nga ‘yan. Hindi rin kami tutol sa people’s initiative sa tamang pamamaraan. Pero ‘wag nililinlang ‘yong mga tao na may kinalaman sa ayuda, higit sa lahat ‘wag namang pera para sa pirma. Hindi tama ‘yon,” diin ni Marcos.

Nabahala din ang senadora dahil ginagamit ang  Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang Department of Health (DOH), at ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pangangalap ng mga pirma.

“Hindi naman pwedeng suhulan at nanlilinlang ng tao kaya’t ginagamit pa ‘yong DSWD, DOH at ang DOLE. Naku naman, talaga namang pera pa ng bayan, hindi naman yata tama ‘yon,” aniya.

Nagpahayag din ito ng pag-aalinlangan sa isinusulong na people’s initiative dahil sa malabong legal na basehan at kakapusan sa malinaw na pamamaraan.

Dapat din aniya ay ipinapaliwanag ng husto sa mamamayan upang mas lubos nilang maintindihan ang binabalak na amyendahang probisyon sa 37-anyos na Saligang Batas.

“Dapat maipaliwanang ng maigi sa mga tao kung talagang naintindihan nila ang mga patakaran na sinasabi,” pagpupunto ni Marcos.

Pinuna din niya ang nais ng mga nagsusulong ng PI na busalan ang mga senador.

“Hindi naman sa gusto naming pumapel, pero naitsapwera ‘yong Senado. Dapat ‘yong dalawang bahay ng Kongreso ay sabay-sabay na makikitungo at boboto. Parang nakakatawa naman, bebente-quatro lang kami, malulunod kami sa higit 300 boto nila at wala na kaming say. Hindi naman ganoon,” sabi pa ni Marcos.

Nakasaad naman sa Saligang Batas na “bicameral” kayat dapat ay pakinggan ang mga senador.

Una nang isiniwalat ni Marcos ang mga ulat na may alok na P20 milyon sa bawat distrito ng mga kongresista para makapangalap ng sapat na bilang ng mga bilang.

Nabanggit nito na sa mga ulat ang pera ay magmumula sa tanggapan ng kanyang pinsan, si House Speaker Martin Romualdez.

 

TAGS: 1987 Constitution, bribery, Cha-Cha, Sen. Imee Marcos, 1987 Constitution, bribery, Cha-Cha, Sen. Imee Marcos

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.