Nagpasalamat si dating Quezon City Representative at ngayon ay Councilor Alfred Vargas kay Pangulong Marcos Jr., sa pagpapakita ng tunay na malasakit sa mga naninirahan lamang sa mga lansangan, lalo na sa mga bata.
Ayon kay Vargas sa inilabas na executive order ng Malakanyang ay patunay na iniintindi ng administrasyon ang kapakanan ng mga mahihirap.
Napapanahon din ang kautusan ng Malakanyang dahil patuloy na lumulobo ang populasyon ng bansa.
Kamakailan ay nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Executive Order No. 52, series of 2024 na nagpapalawak sa Pag-Abot Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), isang komprehensibong programa para alalayan sa buhay ang ilan sa mga pinakamahihirap na mga Pilipino.
“Ikinatutuwa natin ang ginawang inisyatibo ng pamahalaan para mabigyan ng pagkakataong makaahon sa buhay ang mga kapwa nating karaniwang hindi nabibigyan ng atensyon. This brings great progress in social protection,” dagdag ni Vargas.
Nakapaloob sa kautusan ang pagbibigay ng transitory shelter assistance, livelihood assistance, at employment assistance sa mga magigimg kuwalipikadong benepisaryo bukod pa sa relocation o financial assistance ng DSWD.
“Pinapalakas ng EO ng Pangulo ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na tugunan ang isyung ito. The President’s EO goes beyond conventional strategies, enlisting community assistance and psychosocial support, which is both innovative and practical,” pahayag ng dating namuno sa House Committee on Social Services.
Isang hakbang din aniya ito upang mabigyan ng proteksyon ang mga bata at kabataan na namumuhay sa mga lansangan.