PCSO nagbigay ng P1.4B prizes sa loob ng dalawang araw
Patuloy na nakakalikha ng mga bagong milyonaryo ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa katunayan sa loob lamang ng dalawang araw, naglabas ang PCSO ng P1.4 bilyong premyo para sa dalawang bagong multi-millionaires.
“Ito naman talaga ang gusto natin. Ang makapagbigay tayo ng kasiyahan sa ating mga mananaya at sa ganoon ay patuloy nilang tangkilikin ang mga laro natin sa PCSO,” ani PCSO General Manager Mel Robles.
Dagdag pa niya: “Habang mas maraming tumataya ay mas marami rin ang matutulungan nating mga kababayan. Ang sabi ko nga sa bawat taya, may kawanggawa.”
Sinabi ni Robles ang mga ito matapos magkaroon ng lone winner sa Grand Lotto 6/55 draw kagabi. Higit P698 milyon ang jackpot prize para sa kombinasyong 24-50-52-09-51-03 sa pamamagitan ng E-Lotto.
Ito ang kauna-unahan sa online platform ng PCSO simula nang ilunsad ito noong nakaraang Disyembre.
Isang araw bago ito ay higit P640 milyon din ang tinamaan ng isang tumaya sa Super Lotto 6/49 draw sa kombinasyong 26-33-14-48-06-42 .
Noong nakaraang Disyembre 29, isa ang nakakuha ng jackpot prize na higit P571 milyon sa Ultra Lotto 6/58, ang pinakamalaking lotto jackpot prize noong 2023.
At noong nakaraang Martes, Enero 16, naitala ng PCSO ang record one-day sales na umabot sa P265 milyon, ang pinakamalaki simula noong Oktubre 18, 2018 kung kailan lumubo sa P1.18 bilyon ang jackpot prize.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.