Withholding tax sa online transaction walang epekto sa presyo ng produkto
Tiiniyak ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. na hindi tataas ang halaga ng mga bibilhing produkto sa “online markets” sa pagapapataw ng withholding tax.
Base sa BIR Revenue Regulations No. 16-2023, papatawan ng withholding tax sa isang porsiyento ng gross remittances ng electronic marketplace operators at digital financial services ang online merchants para sa mga produkto na ipinagbibili sa kanilang platforms.
“Ang pagpataw ng withholding tax sa online transactions ay hindi magreresulta ng pagtaas ng presyo tulad ng value added tax. Ang value added tax ay dagdag talaga sa halaga na dapat na benta ng seller,” paliwanag ni Lumagui.
Dagdag pa niya: “Ang withholding tax ay ang pagbawas o pag-withold sa kabuuang matatanggap ng seller at hindi additional amount sa selling price. Sa selling price mismo ibabawas ang withholding tax.”
Ayon sa kawanihan ang itinuturing na “electronic marketplace” ay ang digital platform na ang negosyo ay mamagitan sa online buyers sa online sellers.
Kabilang dito ang “marketplaces” para sa online shopping, food delivery platforms, at platforms for booking sa resort, hotel, motel, inn, at bahay at iba pang produkto at serbisyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.