Pababa nang pababa ang bilang ng mga naninigarilyo o gumagamit ng ibang uri ng tabako sa buong mundo, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ayon sa WHO, noong 2022, isa sa bawat lima nasa legal na edad ang naninigarilyo, samantalang noong 2000 ay isa sa bawat tatlo.
Naobserbahan din ng ahensiya na 150 bansa ang nagtatagumpay sa mga programa at kampaniya laban sa paninigarilyo simula noong 2000 at maaring hanggang 2030.
Sa kabila nito, naniniwala ang WHO na magpapatuloy ang mataas na kaso ng pagkamatay na maiuugnay sa paninigarilyo sa mga darating pang taon.
Sa ngayon, walong milyon kada taon ang namamatay sa buong mundo dahil sa naturang bisyo, kabilang na ang 1.3 milyon dahil sa “second hand smoke.”
Tinataya na aabot pa ng tatlong dekada bago magsisimulang bumaba ng husto ang bilang ng mga naninigarilyo, gayundin ang mga kaso ng pagkamatay dahil sa naturang bisyo.