Quezon Province housing project itatayo sa bayan ng Gen. Nakar
Pinangunahan ni Quezon Province Governor Helen Tan ang pagpapasinaya sa BaLiKaTan o BAhay at LIngap sa mga KAbabayang Tumugon At Nagbalik-loob sa Pamalaan Village sa Barangay Pamplona sa bayan ng General Nakar.
Itatayo ang komunidad sa isang ektaryang lupa na ipinahiram ng pamahalaang-bayan sa loob ng 50 taon sa pamamagitan ng “usufruct agreement.”
Proyekto ng pamahalaang-panglalawigan ang pabahay sa pakikipagtulungan sa ibat-ibang ahensiya maging sa ilang pribadong indibiduwal.
Sinabi ni Tan na katuwang nila sa proyekto ang Department of Labor and Employment (DOLE), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of the Interior and Local Government (DILG), at ang lokal na pamahalaang-bayan.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga benepisaryo sa pagkakaroon ng pagkakataon na magbago at maranasan ang mga tulong na handang ihatid ng pamahalaan, kabilang ang mga tulong pangkabuhayan, edukasyon at serbisyong pangkalusugan.
Diin pa ng gobernadora, ang proyekto ay patunay na ang mga serbisyo at programa ng pamahalaang-panglalawigan ay para sa lahat lalo’t higit sa mga nararapat at higit na nangangailangan.
Kasabay ring naisagawa ang groundbreaking para sa pagtatayo ng Halfway House Facility (Phase I) at ang paghahatid ng tulong pinansiyal mula sa DILG.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.