Dhaka hostage: Restaurant pinasok na ng mga pulis, ISIS members patay

bangladesh4
Reuters

(Developing) Pinasok na ng mga otoridad ang isang cafe sa Dhaka Bangladesh para mapalaya ang halos ay dalawampu katao na hanggang ngayon ay bihag ng mga pinaniniwalaang miyembro ng ISIS.

Sinabi ni Mizanor Rhamian Bhuiyan, Deputy Director ng Rapid Action Batallion force na ang kanilanmg pwersa ang nanguna sa isinagawang operasyon.

Sa kasakuluyan ay nagaganap ang barilan sa magkabilang grupo kung saan sinasabing armado ang mga suspek ng mga malalakas na pampasabog.

Nauna dito ay dalawa na ang patay samantalang nasa 40 na ang naitalang sugatan sa hostage taking na nagaganap ngayon sa isang sikat na café sa Dhaka Bangladesh.

Biyernes ng gabi oras sa Bangladesh nang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang Holey Artisan Bakery kung saan ay kanilang kaagad na binihag ang mga taong nasa loob ng nasabing café.

Pero bago ito ay dalawang mga pulis ang kanilang binaril at kaagad na namatay ayon sa pahayag ni Mruf Hasan na siyang hepe ng pulisya sa Metropolitan  Dhaka.

Sinabi ng ISIS sa pamamagitan ng kanilang media group na Amaq na sila ang nasa likod ng terror attack.

Pero ang nasabing statement ay hindi kaagad kinagat ng mga otoridad sa nasabing bansa.

Habang hawak ang mga bihag ay nakipagpalitan pa ng putok sa mga pulis ang nasabing mga armadong kalalakihan na hanggang ngayon ay nasa loob pa rin ng café.

Itinaas na rin ang antas ng seguridad sa buong Bangladesh dahil sa nasabing pangyayari.

Nauna nang nagbabala ang Pentagon hingil sa nakuha nilang intelligence report na balak sumalakay ng ISIS sa Bangladesh.

Read more...