Coterminous na mga opisyal ng gobyerno, extended hanggang July 31

duterte memo circular 1Inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kauna-unahan niyang memorandum circular matapos ang kaniyang inagurasyon.

Nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang Memorandum Circular No. 1 sa ngalan ng pangulo na naglalayong habaan ang pananatili ng mga coterminous government employees hanggang July 31.

Nakasaad sa memorandum na lahat ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na pawang mga coterminous o sabay na matatapos ang panunungkulan sa mga otoridad na nag-talaga sa kanila, ay mananatili sa kanilang posisyon hanggang sa nasabing itinakdang petsa.

Epektibo ito sa lahat ng empleyadong ang mga posisyon ay napapaloob sa plantilla ng isang ahensya, ngunit hindi kasama ang kanilang pinuno.

Ito’y maliban na lamang kung ang mga empleyado ay maalis sa pwesto nang mas maaga, mag-resign, mapalitan ng bagong opisyal o kaya ay malipat sa ibang opisina bago ang July 31.

Ngunit ang panunungkulan ng mga empleyadong may coterminous na posisyon na hindi napapaloob sa plantilla ng ahensya, ay kasabay na rin dapat na natapos noong alas-12 ng tanghali ng June 30, 2016.

Agad na umiral ang bisa ng circular na ito mula nang pirmahan ni Medialdea noong June 30.

 

 

Read more...