Ordanes: Magluklok ng mga opisyal na may tunay na malasakit sa senior citizens

Sinegundahan ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang paliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI) ukol sa diskuwento sa mga nasa 60 anyos pataas.

Ayon kay Ordanes ang mga reklamo ukol sa hindi pagbibigay ng limang porsiyentong diskuwento sa mga binibili ng senior citizen ay sa DTI at aniya ito limitado lamang sa mga pangunahing bilihin at pangangailangan.

Ang diskuwento ay hanggang P65 lamang sa P1,300 o pataas na halaga ng mga biniling pangunahing pangangailangan.

Sabi pa ni Ordanes, alinsunod sa Senior Citizen’s Act, ang lokal na Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) ang may pangunahing responsibilidad ukol sa mga diskuwento sa nakakatandang populasyon ng bansa.

Pagbabahagi pa ng mambabatas may nakabinbing 25 panukalang-batas para mapalawig ang 20% seniors discount sa iba pang mga gastusin at ito ay sa mga utilities gaya ng kuryente at tubig.

Aminado si Ordanes na may mga OSCAs na nahihirapan na ipatupad ang batas bunga na rin ng kakulangan ng mga tauhan.

Diin niya para matiyak ang pantay at maayos na pagpapatupad ng batas, kailangan na ihalal ang mga opisyal na may tunay na malasakit sa kapakanan ng senior citizens.

Read more...