Nababahala ang environmental group na Ban Toxics sa panganib na dulot sa tao at kapaligiran sakaling tuluyang payagan na maitapon ang mga basura ng Canada sa lalawigan ng Tarlac.
Ayon kay Ana Marie Kapunan, ipinagtataka nila ang pagbabago sa posisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na unang nagsabing “hazardous” ang mga basura na laman ng container vans.
Sinabi ni Kapunan na batay kasi sa pahayag ng binuong Inter Agency Task Force na sumuri sa mga basura ay sinabi na nitong biodegradable ang mga basura.
Dagdag pa ni Kapunan, physical assessment lamang naman ang ginawa ng task force at hindi isinalang ang mga ito sa iba pang pagsusuri, particular na sa mercury testing.
Pangamba pa ng grupo, maaring ‘radioactive’ ang ilan sa mga basira dahil sa mga electronic items na kasama dito.
Base sa nakuhang impormasyon ng kanilang grupo, sinabi ni Kapunan na may mga basurang plastic at gamit na diapers ang mga container van.
Samantala, mula sa ‘Daang Matuwid’, naging ‘Daang Marumi at Mapaminsala’ na raw ang pinaiiral ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ito’y bunsod ng pagpayag ng gobyernong Aquino na maging tapunan ang Pilipinas ng mga basura ng Canada.
Ayon kay Gabriela PL Rep. Emmie De Jesus, ang limang taong pamumuno ni Presidente Aquino ay pinaka-masahol sa mga programang pangkalikasan.
Sa PNoy administration aniya pinahintulutan ang black sand mining ng mga kumpanya ng China, ang pagkasira ng Mindanao dahil sa operasyon ng mga Australian mining firm, at paglipana ng coal-fired power plants.
At ngayon, pumayag naman ang pamahalaan na maging tambakan ang bansa ng mga bulok at ilegal na basura ng Canada.
Kaya naman sa huling State of the Nation Address o SONA sa July 27, sinabi ni De Jesus na bagsak ang Pangulo pagdating sa environmental record nito.
Kasabay nito, pinatitigil ni De Jesus ang paglilipat ng mga container sa Subic na naglalaman ng mga basura, kasunod na rin ng unang pagtatapon ng mga ito sa dumping site sa Tarlac.-Jan Escosio/Isa Avendano Umali