Nakiusap si Senator Francis Escudero sa gobyerno na huwag maging padalos-dalos sa pagtuturo sa mga responsable sa nangyaring malawakang blackout sa Panay Island noong nakaraang linggo.
Kasunod ito nang paninisi ni Pangulong Marcos Jr., sa National Grid Corp. of the Phils. (NGCP) sa pagkawala ng suplay ng kuryente sa malaking bahagi ng Western Visayas.
Sinabi ni Escudero na maaring hindi naibigay at napaliwanagan ng husto si Pangulong Marcos Jr., ukol sa insidente kayat sinisi nito ang NGCP.
Hindi pa aniya 100 porsiyento na kasalanan ng NGCP ang insidente dahil walang malinaw na sagot ukol sa kinapos na suplay kayat naging malawak ang blackout sa rehiyon.
Paliwanag niya ang NGCP ay isang transmission company na nagdadala ng kuryente sa mga distribution utilities, na nagbabahagi naman nito sa mga kabahayan at establismento.
Dapat aniya malaman kung sadya na may basta-basta na lamang nag-shutdown ng power plant o nagkaroon ng “unscheduled maintenance shutdown.”
Tiwala si Escudero na sa pagdinig ng Senate Committee on Energy sa Miyerkules, Enero 10, ay malalaman na kung sino ang tunay na responsable.