Isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapatayo ng karagdagang halfway houses sa malalaking ospital sa bansa.
Nais ng namumuno sa Senate Committee on Health na may pansamantalang matuluyan ang mga pasyente kasama ang kanilang pamilya, na malayo ang tirahan sa pinagpapagamutang ospital sa Metro Manila.
Banggit ni Go napaglaanan na ng pondo sa 2024 national budget ang pagpapatayo ng tatlong halfway houses sa Philippine Heart Center (PHC), Philippine Children’s Medical Center (PCMC), at sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC), pawang na sa lungsod ng Quezon.
Pagdidiin nito napakahalaga ng proyekto dahil bahagi ito ng pagbibigay ng accessible healthcare services.
“Maraming pamilyang Pilipino ang pumupunta pa ng Metro Manila para magpagamot. Nakalulungkot isipin na habang ginagamot ang kanilang mahal sa buhay, mahirap din para sa kanila ang maghanap ng matutuluyan. Dito tayo pumapasok at tumutulong,” aniya.
Una nang isinulong ng senador ang pagpapatayo ng regional specialty hospitals sa pamamagitan ng RA 11959.