Random drug test sa mga tauhan ng MPD isinagawa

marisa bruno
Kuha ni Chona Yu

Sumailalim sa random drug test ang may 200 hanggang 250 na mga pulis sa Manila Police District Headquarters.

Ayon kay Colonel Marisa Bruno, tagapagsalita ng MPD, ito ay para masuri kung may mga pulis na gumagamit ng ilegal na droga.

Dagdag ni Bruno, pagtalima na rin ito sa panawagan ng pangulong rodrigo duterte na puksain ang ilegal na droga.

Aabutin aniya ng tatlong araw bago malaman ang resulta ng random drug test.

Ayon kay Bruno, noong nakaraang linggo lamang, sumailalim din sa random drug test ang may pitumpong pulis sa MPD.

Gayunman, wala namang nagpositibo sa mga ito sa paggamit ng ilegal na droga.

Sakali aniyang may magpositibo, sasalang pa ang mga ito sa confirmatory test.

Kapag nagpositibo sa confirmatory test, mahaharap sa kasong administratibo ang pulis at madidismiss sa serbisyo.

Aabot sa apat na libong pulis ang nakatalaga sa MPD at labing isang police substation.

Read more...