Solusyon sa Metro Manila traffic gusto ni Villanueva na masilip ng Senado

INQUIRER PHOTO

Nais ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na maimbestigahan sa Senado ang mga programa at solusyon sa matinding problema sa trapiko sa Metro Manila at iba pang lungsod sa Pilipinas.

Naghain ng resolusyon si Villanueva ukol sa isyu at aniya matindi ang personal, social, enviromental at economic impact ng problema sa trapiko.

Nabanggit niya ang pahayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na asahan na ang pagbigat ng daloy ng trapiko ngayon  Kapaskuhan.

Base din sa inilabas na impormasyon ng ahensiya, noong nakaraang taon tumaas na ng 10 hanggang 20 porsiyento ang traffic volume sa EDSA.

Nangangahulugan itio na 417,000 hanggang 430,000 sasakyan ang dumadaan sa naturang pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila.

Sinabi pa niya sa kanyang Senate Resolution  859, binanggit ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na pagsapit ng 2030 aabot sa anim na bilyong piso ang masasayang kada araw dahil sa matinding trapiko.

Kayat aniya may pangangailangan na suriin ang mga programa at proyekto ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno ukol sa trapiko.

Read more...