2024 free assessment, certificate sa tech-voc SHS students tiniyak ni Gatchalian

SENATE PRIB PHOTO

Siniguro ni Senator Sherwin Gatchalian na sa susunod na taon ay libre na makukuha ang assessment at national certification ng Grade 12 students na nakapagtapos ng Technical-Vocational and Livelihood (TVL) track.

Ginawa ni Gatchalian ang pagtitiyak  matapos ang paglagda ni Pangulong Marcos Jr., sa 2024 General Appropriations Act.

Aniya nakapaloob sa pambansang pondo ang  P438.16 milyon para sa assessment ng 420,967 na mag-aaral sa Grade 12 sa ilalim ng TVL track at tatanggap ang mga pumasa sa assessment ng national certification na makakatulong para sa paghahanap ng magandang trabaho.

Binanggit din ng senador  na nakapaglaan din ng  P50.012 milyon para sa pagpapalawig ng “pool of assessors” ng Technical Education and Skills Development Authority. (TESDA). May karagdagang 11,000 na mga assessor ang saklaw ng naturang halaga upang matriple ang assessment capacity ng TESDA sa 19,000 sa pagtatapos ng 2024 mula 7,551.

“Sa susunod na taon, matitiyak na nating mas mataas ang tsansang makakakuha ng magandang trabaho ang ating mga senior high school graduates na nasa ilalim ng TVL track. Ito’y dahil popondohan na ng ating pamahalaan ang kanilang assessment at certification. Titiyakin pa rin nating magagamit nang mabuti ang pondong ito lalo na’t ang ating mga mag-aaral sa senior high school ang makikinabang dito,” ayon sa namumuno sa  Senate Committee on Basic Education.

Magugunita na sa pagdinig ng  Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) nabunyag na wala pang 30% ng mga senior high school graduates ang nakatanggap ng certification dahil sa kawalan ng pondo para sa assessment at certification.

Sa pagsasalsik naman ng tanggapan ni Gatchalian, 50% ng mga senior high school graduates na kumuha ng TVL track ang may trabahong tinatawag na elementary occupations o ang pinakamababang kategorya ng trabaho batay sa skills requirement.

Kabilang dito ang mga street vendors, cleaners, domestic helpers, car and window washers, at street sweepers.

Read more...