Hontiveros may dalawang testigo na sa sumbong ng pang-aabuso sa KOJC ni Quiboloy
Ibinahagi ni Senator Risa Hontiveros ang hiwalay na testimoniya ng dalawang testigo sa sinasabing ibat-ibang uri ng pang-aabuso sa Kingdon of Jesus Christ, The Name Above Every Name Inc., na pinamumunuan ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pagharap sa mga mamamahayag, ibinahagi ni Hontiveros ang testimoniya ng alias Jackson at alias Arlene, na kapwa dumanas ng pang-aabuso habang sila ay miyembro ng KOJC.
Ayon kay Jackson pinilit silang manlimos at kung hindi aabot sa “quota” ay nakakaranas sila ng pananakit.
Ganito din ang kuwento ni Arlene, na mula Davao ay dinala sa Maynila para magtinda sa lansangan at nagpapakilalang mga estudyante.
Sinabi ni Hontiveros na maari nang magsagawa ng motu propio investigation ang Department of Justice (DOJ) sa mga reklamo at aniya pipilitin nila sa Senado na masimulan ang pagdinig sa pinakamaagang panahon.
Hihilingin din niya sa Bureau of Immigration ang pagpapalabas ng hold departure order laban kay Quiboloy upang hindi ito makalabas ng bansa.
Aminado naman si Hontiveros na hindi pa lubos na naiuugnay si Quiboloy sa mga reklamo ng pang-aabuso, lalo na sa mga kababaihan na kabilang sa “inner circle” at “innermost circle.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.