1 araw pagkatapos ng kaniyang termino, Noy Aquino, kinasuhan sa Ombudsman

SAF 44 relatives naghain ng kaso vs Aquino | Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Ipinagharap ng reklamo sa Office of the Ombudsman si dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa pagkasawi ng mga tauhan ng Special Action Force ng PNP sa Mamasapano incident.

Dalawang kaanak ng dalawa sa napatay na SAF members ang naghain ng 44 counts ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide laban kay Aquino.

Sina Erlinda Alliaga, ina ni PO3 Robert Alliaga at si Warlito Mejia, ama ni PO2 Ephraim Mejia kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang naghain ng 36 na pahinang reklamo.

Si Atty. Ferdinand Topacio ang nagsilbing legal counsel ng mga complainant.

Ayon sa reklamo, dapat managot sa multiple counts ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide si Aquino dahil sa pagkasawi ng 44 na SAF commandos.

Maliban kay Aquino, respondent din sa reklamo sina dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima at dating PNP Special Action Force (SAF) director Getulio Napeñas Jr.

Ayon sa mga complainant, maliban sa pagbibigay ni Aquino ng go-signal para ipatupad ang “Oplan Exodus”, hinayaan din nito si Purisima na pamunuan ang operasyon kahit ito ay suspendido.

Nakasaad din sa reklamo na nagkaroon ng criminal negligence si dating Pangulong Aquino dahil sa direkta itong tumulong sa pagpaplano at nag apruba ng Oplan Exodus na inamin naman nina Purisima at Napenas sa pagdinig sa Senado.

Dapat din anilang managot si Purisima sa pagkamatay ng SAF commandos dahil sa pakikialam nito sa operasyon kahit na suspendido na ito habang ang pagsunod naman sa suspendidong PNP chief ang dahilan kung bakit kasama sa reklamo si Napenas.

sinabi pa sa reklamo na kahit hindi intensyon ng tatlo na masawi ang saf 44 dapat pa rin ang mga itong managot base sa isinasaad ng Article 4 ng Revised Penal Code.

 

 

Read more...