Walang ceasefire at walang inilalatag na kondisyon ang pamahalaan ng Pilipinas nang muling ialok ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front.
Ayon kay Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Presidential Assistant Wilben Mayor, bagong peace process at hindi resumption ng nakaraang usapang kapayapaan ang alok ngayon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Ang pag-uusap na ito’y bago, walang pre-condition. Hindi natin nire-refer kung ano mang dating pinag-usapan. Bago po ito, hindi po ito tinatawag na resumption talks. Kundi bago. Lahat ng mga detalye, kung ano pang dapat pag-usapan ay sa susunod po na pagkikita po,” pahayag ni Mayor.
Sabi ni Mayor, tuloy ang anti-insurgency operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang tuloy ang pagpapanatili ng peace and order ng Philippine National Police (PNP).
“Ang bawat ahensya ng pamahalaan ay tuloy-tuloy, ang kanilang dapat gawin, wala pong dapat itigil dito at kagaya ng nabanggit ko kanina, this is a new discussion, a new dialogue, walang pre-condition at simula tayo sa isang bagong pag-uusap,” pahayag ni Mayor.
Apela ni Mayor sa publiko, suportahan ang panibagong usapang pangkapayapaan dahil malinis ang intensyon ni Pangulong Marcos na matuldukan ang gulo sa bansa.
“Sa atin pong mga kababayan, kami po ay nanawagan ng tuloy-tuloy niyong pag-suporta sa prosesong pangkapayapaan,” pahayag ni Mayor.
“Ang mithiin po ng ating pangulo, Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay ipagpatuloy ang prosesong pangkapayapaan at hangad niya ang tunay at mahabang pang-kapayapaan para sa pag-unlad ng Bagong Pilipinas,” dagdag ni Mayor.
Sabi ni Mayor, hindi naman binabalewala ng administrasyong Marcos ang mga nagawa noong nakaraang administrasyon.