Pinapapalitan ng House Committee on Public Order and Safety ang hepe ng Technical Working Group ng Bids and Awards Committee ng Bureau of Fire Protection.
Ito ay makaraang mabuking si Fire Superintendent Gary Lunas na ginagamit ang sasakyang Toyota Fortuner na nakarehistro sa empleyado ng F. Cura Industries na dating winning bidder sa mga biniling firetruck ng BFP.
Sa pagdinig ng komite ng Kamara, nagisa si Lunas na umamin na binili niya ang sasakyan mula sa empleyado ng F. Cura.
Kasunod ito ng ipinalabas na video ng mga bidder na umaalma sa kuwestiyonableng procurement process ng BFP para sa bibilhing mga bagong 120 fire trucks.
Sa gitna ng pagdinig ay humarap si Ronald Canete, ang private investigator na nagpatotoo na base sa kanilang imbestigasyon, personal na ginagamit ni Lunas ang sasakyan ng empleyado ng F. Cura
Nabahala naman ang mga miyembro ng komite sa pangunguna ni Committee Chairman at Santa Rosa City Representative Dan Fernandez sa posibilidad na nababahiran ang proseso ng procurement ng BFP.
Sa ilalim kasi ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 9184, ipinagbabawal ang komunikasyon ng BAC kabilang na ang mga miyembro ng TWG sa sinumang bidder hanggang hindi naiisyu ang Notice of Award.
Tanong tuloy ni Fernandez kay Lunas, hindi ba niya itinuturing na improper o immoral ang pagbili niya ng sasakyan sa empleyado ng dating winning bidder.
Sagot naman ni Lunas, wala siyang nakikitang mali sa transaksyon.
Gayunman, hindi niya maipaliwanag ang detalye ng transaksyon gaya ng kung magkano niya nabili ang sasakyan
Dahil dito, inirekumenda ng mga mambabatas na alisin sa kanyang pwesto bilang hepe ng Technical Working Group ng BFP-BAC si Lunas.
Tugon naman ni BFP Chief Director Louie Puracan, iimbestigahan nila si Lunas.
Inirekumenda rin ng mga mambabatas na suspindihin muna ang procurement process sa 120 firetrucks na may pondong Php1.5 billion habang inaayos pa ang mga kwestiyonableng probisyon sa bidding documents.
Naniniwala kasi ang mga kongresista na masyadong restrictive ang ilang probisyon at tila raw ito ay sinadya para mapaburan ang minamanok na supplier ng ahensya
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.