4,864 na sasakyan, huli sa ‘No Registration, No Travel’ policy ng LTO

 

Inquirer File Photo

Nasa 4,864 na sasakyan ang nahuli ng Land Transportation Office matapos ang isang buwang pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, babala ito sa mga may-ari ng sasakyan na hindi nagpaparehistro.

“Inaasahan ko ang patuloy na agresibong operasyon sa pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy sa mga susunod pang buwan hanggang mai-rehistro ulit ang 24.7 milyong motor vehicles na target ng polisiyang ito,” pahayag ni Mendoza.

Base sa ulat na natanggap ni Mendoza, ang  Region II o ang Cagayan Valley region ang nakapagtala ng may pinakamaraming huli na umaabot sa 657. Sinundan ito ng Region VIII o Eastern Visayas na may 531 na huli at Region IV-B o Mimaropa na may 514 na huli.

Nasa 386 delinquent motor vehicles naman ang nahuli sa Region IX  o Zamboanga Peninsula, sinundan ng Region XI o Davao Region na may 357 na huli at Region XII o SOCCSKSARGEN na may 250 na huli.

Nasa 251 naman ang nahuli sa Metro Manila.

“So we appeal again to all  delinquent motor vehicles to voluntarily renew the registration of their motor vehicles. Huwag na ninyong dagdagan ang inyong problema dahil kapag nahuli kayo, mas malaking halaga ng pera ang babayaran ninyo,” pahayag ni Mendoza.

Una nang sinabi ni Mendoza na nasa 2.4 milyong sasakyan ang hindi naka-rehistro sa LTO.

 

Read more...