May usap-usapan na pinagbabalakan daw na palitan ang IT provider ng Department of Health (DOH) at ng mga ahensiya na nasa ilalim ng pangangasiwa ng kagawaran.
Alam daw ito nina Speaker Martin Romualdez at siyempre ni Health Sec. Ted Herbosa.
Ang ipapalit? Kamag-anak daw ni Herbosa na ngayon ay mataas na opisyal ng Philippine Payments and Clearing System, isang IT provider sa bansa, na si Edgardo Herbosa.
Marami ang nais makumpirma na itong si Edgardo Herbosa ay kaanak ni Sec. Herbosa.
Kaya’t pinagdududahan kung ang kasalukuyang administrasyon ay tunay na seryoso sa kampaniya laban sa korapsiyon dahil malinaw na “conflict of interest” ang diumano’y plano sa DOH.
Kapag natuloy ang plano, ang PhilPaCs na ang bahala sa online system ng kagawaran, kabilang na ang online payments para sa permits, lisensiya at iba pa na may kaugnayan sa salapi.
Sa Martes, muling haharap sa Commission on Appointments (CA) si Herbosa, na matatatandaan ay na-bypasssed noong Setymebre dahil kinapos sa oras dahil maraming tanong sa kanya ang mga senador at kongresista.
Ang Alliance of Health Workers (AHW) ay todo ang pagtutol sa appointment ni Herbosa dahil sa mga balakin nito na sa palagay ng health workers ay hindi “pro-poor” at kabilang na ang pagsasa-pribado ng National Orthopedic Hospital at Fabella Memorial Hospital na tiyak pabigat sa mga pasyente at pamilya ng mga naturang pagamutan.
Una na ring napatawan ng Office of the Ombudsman ng “perpetual disqualification from holding public office” si Herbosa kaugnay naman sa P392 million hospital modernization project.
Kapwa kasapi ng Upsilon Sigma Phi fraternity sina Herbosa at Romualdez.