Inalis na secret funds ng civilian offices hindi ibabalik
(Senate PRIB)
Imposible nang ibalik pa ang inalis na “confidential and intelligence funds” (CIF) ng mga sibilyang ahensiya ng gobyerno.
Ito ang sinabi ni Sen. Sonny Angara maliban na lamang sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa pagsisimula ng bicameral conference committee sa pagpa-plantsa ng proposed 2024 national budget, sinabi ni Angara na sinang-ayunan na nila ang bersyon ng Kamara, kung saan inalis ang CIF.
Ito ay base na rin sa paniniwala na ang CIF ay para lamang dapat sa mga ahensiya na nangangalaga sa seguridad ng bansa.
Ganito rin ang paniniwala ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito at aniya ang pondo ay ilalagay na lamang sa line item budget upang mas maging malinaw ang paggagamitan nito.
Limang ahensiya ang natanggalan ng CIF sa pambansang pondo sa susunod na taon, ang Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa sitwasyon ng DICT, ibinahagi ni Angara na pinag-aaralan na maibalik ang naalis na CIF bunga na rin ng dumadaming cyber threats at cybercrimes.
Aniya ikokonsulta nila ito kay Sen. Grace Poe, na vice chairperson ng Committee on Finance, at nag-sponsor ng 2024 budget ng DICT sa Senado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.