Ibinalik at nagbukas na muli ang “Christmas by the Lake” ng pamahalaang lungod ng Taguig.
Ang itinuturing na pinakamalaking “lights park” sa bansa ay nasa Lakeshore Complex at binuksan sa publiko ni Mayor Lani Cayetano.
Ayon kay Cayetano mas nagniningning ngayon ang anim na ektaryang atraksyon sa gilid ng Lawa ng Laguna dahil sa libo-libong ilaw at mga karagdagang atraksyon na tunay na kagigiliwan at magpaparamdam ng Kapaskuhan.
“Ipinagmamalaki namin ang ang Taguig, ang aming Probinsiyudad, isang lungsod kung saan mai-enjoy mo ang finest ameneties of a modern city pero napaka-unique po namin dahil mararamdaman niyo dito ang charm ng isang probinsiya,” masayang pagbabahagi ni Cayetano.
Dagdag pa niya: “Saan ka makakakita ng lungsod sa Metro Manila na ganito? Proud po kami sa aming Probinsiyudad and we are happy to share the happiness of Taguigeno to all of you.”
Pagpasok pa lamang ay sasalubong na sa mga bisita ang napakalawak na concert ground, kung saan agad naman mapapansin ang higanteng Christmas Tree na nagniningning ng libo-libong ilaw.
Kagiliw-giliw din ang Lights of Christmas Park dahil sa mga disenyo, ang Graffiti Tunnel, Giant Coloring Floor, Heart Tower at ang 3D Lighted Church, na replica ng Santa Ana Church, na itinayo noong 1587.
Gayundin ang Dancing Light Tunnel at Maze of Life, ang Aqua Luna Lights and Sounds Show, maging ang “Ang Regalo ni Kaimana,” na ipinalalabas kada 30 minuto simula ala-6 ng gabi. Ibinalik din ang kinagiliwang “Walkway of Lights.”
Bukas ang atraksyon hanggang sa Enero 14 sa susunod na taon.