Pinuri ni three-term Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas ang muling pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na aniya ay magbibigay-daan sa pagkakaisa ng bansa.
“Nagpapasalamat tayo sa pasya ng administrayon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na muling ituloy ang usapang pangkapayapaan. Ito ay makakatulong sa pagkamit ng ating mithiin na pag-unlad ng ating bansa at pag-ginhawa ng buhay ng bawat mamamayan,” sabi ni Vargas.
Idinagdag ni Vargas na napapanahon ang resumption ng usaping pangkapayapaan sa gitna ng serious foreign policy issues na kinahaharap natin, lalo na sa sovereignty at territorial integrity.
Kamakailan ay inilabas ng pamahalaan at NDFP ang Oslo Joint Statement kung saan nagpahayag ang dalawang panig ng kanilang kagustuhang wakasan ang pinakamahabang insurgency sa Asya.
Ito ay bunga ng mahigit dalawang taong pakikipagdiyalogo ng mga grupo na pinagitnaan ng Norwegian Government.
“Ngayong mas tumitindi ang pang-aapi sa mga Pilipinong mangingisda sa sarili nating karagatan, mas kailangang magkaisa ang bawat Pilipino. Hindi natin kalaban ang isa’t isa. At iisa ang ating layuning paunlarin ang kalagayan ng ating mga kababayan, sa kanayunan man o mga lungsod,” ani Vargas.
Naunang nabanggit ni Armed Forces of the Philippines chief General Romeo Brawner na isang magandang balita ang bagong peace negotiations at mabibigyang-prayoridad ng sandatahang lakas ang external threats ng Pilipinas.
“This is really a personal victory for us, and aside from that, if this conflict will finally end, your Armed Forces of the Philippines will be able to shift our focus on external or territorial defense. So, iyong amin pong resources, efforts, will be poured into defending our territory,” pahayag ni Brawner.
Dagdag ni Vargas, bilang dating Congress Committee Chairman on Social Services, ang isyung pangkapayapaan ay isyung pangkabuhayan din.
Dagdag ng dating kongresista, naging saksi sya sa halaga ng maayos na pamumuhay sa pananatili ng kaayusan at kapayapaan.
Maaasahan din umanong mas aahon ang ekonomiya dahil sa mga batas na naipasa ng kasalukuyang Kongreso na siyang tutugon sa kahirapang ugat ng armed conflict.
“Ang kapayapaan ay hindi lamang natin maabot sa mga bagong rounds ng peace talk. Kinakailangan ding iangat ang social protection floor, kaya’t malaki rin ang pasasalamat natin sa Kamara, lalo na kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez na naging haligi sa pagpasa ng priority measures ni Pangulong Bongbong Marcos,” ayon kay Vargas.