Mga lider-militante, malugod na pinatuloy sa Malacañang

 

Malacañang Photo

Sa pambihirang pagkakataon, sa halip na itaboy, naimbitahan pa sa loob ng Palasyo ng Malacañang ang hanay ng mga militanteng grupo na nagsasagawa ng aktibidad sa makasaysayang Chino Roces o Mendiola Bridge kahapon.

Una nang nagtungo ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan at mga kaalyadong kilusan sa naturang lugar hindi upang magprotesta sa pag-upo ng bagong Pangulo ng bansa, kung hindi ang magpakita ng suporta dito.

Pagkatapos ng aktibadad, nagulat pa ang ang mga nag-rally nang ipatawag pa sila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.

Ayon kay Renato Reyes, Secretary-General ng BAYAN, mismong ang mga tuhan pa ng Presidential Security Group (PSG) ang sumundo sa kanila at nagdala pa sa kanila sa loob ng Palasyo.

Sa loob, malugod silang tinanggap ni Pangulong Duterte at nakinig sa kanilang mga inilatag na isyu.

Kabilang aniya sa kanilang mga suliraning idinulog sa bagong Pangulo ay ang problema sa kontraktuwalisasyon, pagmimina at ang pagpapalaya sa mga political detainees sa buong bansa.

Hiniling din nila aniya kay Pangulong Duterte kung maaring payagan silang makapag-rally ng mas malapit sa Batasang Pambansa sa araw ng kanyang State of the Nation Addres, bagay na pinayagan naman aniya nito.

Nauna nang nagpahayag ng supporta ang BAYAN kay Pangulong Duterte nang italaga nito sa kanyang Gabinete ang ilan nilang mga kaalyadong miyembro.

Read more...