Magsasagawa ng nationwide motor vehicle registration caravan ang Land Transportation office sa mga susunod na araw.
Ito ay para maiparehistro ang nasa 24.7 milyong sasakyan na hindi rehistrado sa LTO.
Ayon kay LTO chief Atty. Vigor Mendoza, isasagawa ang caravan base na rin sa utos ni Transportation Secretary Jaime Bautista na palakasin pa ang implementasyon ng “No Registration, No Travel” policy.
“Sa level ng barangay ay madali ng malalaman ng ating mga opisyales ng barangay kung sino-sino at ilan sa kanilang mga constituents ang hindi rehistrado ang mga motorsiklo at mga sasakyan. Kaya tayo po ay hihingi ng tulong sa kanila tungkol dito,” pahayag ni Mendoza.
“Sa pagsasagawa ng motor vehicle registration caravan, ipinapakita namin sa LTO na hindi lang kami puro enforcement. We will be going to bring the services of the LTO closer to our clients,” dagdag ni Mendoza.
Nabatid na ang Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon regions ang nakapagtala ng may pinakamaraming sasakyan na hindi rehistrado.
“Extra effort ito sa aming sa LTO pero lahat ng magiging pagod ay worth it naman dahil ang pinag-uusapan dito ay ang pagtitiyak ng road worthiness ng mga sasakyan na siyang mandato ng inyong LTO,” pahayag ni Mendoza.