Pinasalamatan ni three-term Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas ang pagbibigay-prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa cancer control, kasunod ng pagpapasinaya nito ng kauna-unang ospital sa bansa na nakatuon sa paggamot ng kanser.
“Ang pagkakaroon ng isang specialty center para sa cancer ay isang katuparan ng pangarap natin bilang pangunahing may-akda ng National Integrated Cancer Control Act o NICCA. Ang balitang ito’y isang maagang Christmas gift na magbibigay ng pag-asa sa napakarami nating mga kababayan,” pahayag ni Vargas.
Kamakailan ay pinangunahan ni Pangulong Marcos ang inauguration ng Healthway Cancer Care Hospital na inaasahang magdadagdag ng moderno at state-of-the-art oncology care sa Pilipinas.
Ang pagpapagamot dito ay maaaring pondohan ng Cancer Assistance Fund ng gobyerno na magiging kabawasan sa gastusin ng mga pasyente, lalo na sa diagnostics, therapeutic procedures, at cancer medicines.
Dagdag ni Vargas, malaki ang nawalang pagkakataon sa cancer care and control dahil sa COVID-19 nitong nakaraang tatlong taon at ikinatutuwa niya ang pagbibigay ng pansin ng kasalukuyang administrasyon sa pagtataguyod ng NICCA.
“Base sa datos ng Department of Health, pangatlo ang cancer sa leading cause of death ng bansa at marami pa rin sa ating mga kababayan ang namamatay na hindi manlang natitingnan ng espesyalista. Ang diagnosis na cancer ay hindi dapat hatol ng kamatayan. Bukod sa PhilHealth, mayroong Cancer Assistance Fund mula sa NICCA,” ayon kay Vargas.
Nitong Setyembre, naglabas ang Department of Budget and Management at Department of Health ng implementing guidelines para sa Cancer Assistance Fund at umaabot sa 500-milyon ang pondong inilaan para rito ngayong taon. Nakatakda naman itong lakihan hanggang 1-bilyon sa 2024.
Ito rin ay kasunod sa paglagda ni Pangulong Marcos sa batas na nagpapatayo ng specialty centers sa bawat rehiyon para masigurong may access ang lahat ng Pilipino sa mura at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.
“Kitang-kita natin ang ipinapamalas na malasakit ni Pangulong Bongbong Marcos sa cancer patients at sa kanilang mga mahal sa buhay. Napakalaking tulong ang sunud-sunod na mga polisiya at direktiba ng pamahalaan upang punan ang pangangailangan ng ating mga kababayang may sakit,” ani Vargas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.