Nagpahayag ng kanyang kahandaan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na malitis sa mga kaso bunga ng ikinasang “war on drugs” ng nakalipas na administrasyon.
Ngunit agad din nilinaw ni dela Rosa na ang paglilitis ay dapat sa isang korte lamang ng Pilipinas gagawin.
Sinabi ito ng senador bilang reaksyon sa pahayag ni Pangulong Marcos Jr., na pinag-aaralan na ang pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay dela Rosa inirerespeto niya ang posisyon ng Punong Ehekutibo dahil ito naman ay sakop ng kanyang kapangyarihan.
Dagdag pa niya si Pangulong Marcos Jr., ang “chief architect of foreign relations” ng Pilipinas.
Nabanggit din niya na sa kanyang pakiramdam ay dapat niyang paghandaan ang kanyang paliwanag at pagdepensa sa sarili.
Ipinagdiinan din niya na hindi kailanman siya pabor na malitis sa korte sa labas ng Pilipinas.