Duterte sa mga humihirit sa ICC probe: Huwag insultuhin ang hukuman sa bansa

 

Binweltahan ni Vice President Sara Duterte ang mga Kongresista na nanghihikayat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makipag-tulungan ang Pilipinas sa ginagawang imbestigasyon ng International Criminal Court sa anti-drug war campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Bise Presidente, mismong si Pangulong Marcos na ang nagsabi noon na tapos na ang pakikipag-usap sa ICC nang kumalas ang Pilipinas noong Marso 2019.

Sabi ni Duterte, dapat na igalang ng mga mambabatas ang pahayag ni Pangulong Marcos na aniyay chief architect ng foreign policy ng Pilipinas.

Sinabi pa ni Duterte na ibinase ni Pangulong Marcos ang pahayag na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas nang tumiwalag sa Rome Statute may ilang taon na ang nakararaan.

Iginiit pa ni Duterte na huwag na sanang insultuhin ng mga mambabatas at bigyan ng kahihiyan ang mga hukuman sa pamamagitan ng pagpapakita sa mundo naniniwala ang mga Filipino na mga dayuhan lang ang tanging may abilidad na magbigay ng katarungan at hustisya sa sariling bayan.

Una nang naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara na humihikayat kay Pangulong Marcos na makipagtulungan sa ICC.

Sinabi naman ni Justice Secretary Crispin Remulla na kailangang pag-aralang mabuti ang naturang resolusyon dahil hindi na kasapi ang Pilipinas sa ICC.

Matatandaang sinampahan ng kasongg crime against humanity si dating Pangulong Duterte dahil nauwi na umano sa karahasan ang anti-drug war campaign.

Read more...