Banggaang VP Sara vs Speaker Martin, magkakaalaman sa 2024 budget bicam committee—“WAG KANG PIKON! ni JAKE J. MADERAZO

November 23, 2023 - 08:05 AM

 

“Oh, hindi ko nakita… hindi ko nakita iyung nasa social media. Di ako maka-comment… wala akong nakita.” Ito ang pahayag ni Vice President Sara Duterte sa umano’y di niya pagkamay at pagtingin man lang kay House Speaker Martin Romualdez na kasama ni Pangulong BBM nang dumating mula Amerika noong Lunes ng gabi sa Villamor Air Base, Pasay City.

Ito’y sa kabila ng harapang salubungan nila sa naturang okasyon na nakunang video at nagkalat sa social media. Bago nangyari ito, sa Hawaii pa lamang ay binigyang-diin ni Pangulong BBM na hindi dapat ma-impeach si VP Sara. Nagsabi naman si VP na nakausap niya si PBBM at patuloy itong sumusuporta sa kanya. Pero sa nangyaring isnaban noong Lunes ng gabi, wala pa ring reaksyon si Speaker Martin sa nangyari.

Pero, maraming mga kaganapan nitong nakalipas na mga buwan sa Kongreso na sobrang misteryoso at batbat ng mga nakatagong motibo ng naglalabang kampo. Nagsimula noong Hunyo nang magkaroon daw ng tangkang kudeta para patalsikin si Speaker Martin. Inalis sa pwesto si dating Pangulong Gloria at nagresign naman sa Partido Lakas si VP Sara. Nagkapersonalan din nang hindi banggitin ni VP Sara ang apelyidong Romualdez sa isa sa mga public occasions.

Kasunod na sumiklab naman ang mga problema ni VP Sara sa House of Representatives. Una, ang kanyang P 650-M “confidential funds” sa 2023 national budget, na sa huli hindi na raw siya interesado. Ikalawa ang na-expose na super-bilis niyang paggastos sa nakalipas na P150-M confidential funds noong 2022 budget at bukod dito, pati noong panahon niya bilang Davao City Mayor ay pinapasiyasat din. At ikatlo, ang pinauugong na “impeachment” na hindi raw totoo at mismong si BBM ang nagsabing hindi dapat.

Bilang depensa sa anak, hinamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan din ng Ombudsman ang lahat ng mga mga “confidential funds” ng Kongreso lalo na si Speaker Romualdez. Pumayag dito ang Senado pero, wala pang reaksyon ang mga kongresista kung sila ay handa sa audit. Marami ang naniniwala na maraming kongresista ang mahahagip kapag nag-imbestiga ang Ombudsman. Nagkademandahan din ng “grave threats” nang bantaan ni Duterte si Makabayan Party list Rep. France Castro. Sabi pa ni Duterte nakikipagkuntasaba si Speaker sa mga komunista para sa pagtakbo nito bilang Pangulo sa 2028. Nag-ober da bakod din ang mga taga-PDP-Laban papunta sa Lakas o sa Federal Party ng administrasyon.

Samantala, sunud-sunod ang resolusyon sa Kamara ng mga kongresistang galit kay Digong at nagmungkahi na makipagtulungan ang gobyerno sa International Criminal Court (ICC) upang payagang maimbestiga ang mga human rights violations noong war on drugs. Bagay na ok lang daw sa dating Pangulo at kay dating PNP chief at ngayo’y Senador Bato de la Rosa.

Kung susuriin, marami ang nagsasabing wasak na ngayon ang “UNITEAM”, kahit sinasabi ni BBM na mas lalo itong lumakas. Pero ang tanong, magkakasundo pa ba ang dalawang grupo na ito, sina Speaker Martin at VP Sara, sa bandang huli? Marami ang nagsasabing mag “ceasefire” muna, ayusin na ang kanilang hidwaan, dahil malayo pa naman ang 2028 election, pero tila lumalabo.

Pero, meron tayong babantayan at iyan ang galawan dito sa panukalang 2024 national budget na nagkakahalaga ng P5.768 trillion na inaprubahan ng Kamara noong Setyembre at ngayo’y dinidinig sa Senado. Katatapos lamang ng kanilang deliberasyon at ihaharap na ito sa plenaryo ngayon o bukas. Pagkatapos gaganapin naman ang bicameral conference committee ng Senado at Kamara sa November 29 hanggang December 1. At kung hindi magkakaaberya, pagdating daw ng December 16 ay mapipirmahan na ni Pangulong Bongbong Marcos.

Alam niyo ang pinakaimportante dito ay itong bicameral conference committee ng mga senador at kongresista na tatalakay sa mga “disagreements” o pagkakaiba-iba ng mga nilalaman ng proposed budget. Dito rin nangyayari ang ultimo ora na aregluhan upang maresolba ang umiral ang “everybody happy situation”. Kaya ang inaabangang tanong, maremedyuhan kaya nina SP Migz at Speaker Martin para maibalik sa 2024 budget ang nawalang “confidential funds” ni VP Sara? Sabi nga, kapag gusto pwede, pero kapag ayaw, ayaw.

Kung hindi maibabalik, tiyak giyera na ang alawang kampo. Pero, kung gusto nilang magkayausan, mangyayari ito sa bicameral conference committee na sosolusyunan ang kinwestyon at nawalang P650M “confidential o intelligence funds” ni VP Sara.

Isang halimbawa, mag-imbento ng panibagong item para sa nawalang “confidential funds”. Ikalawa, Pwedeng itago ito sa “contingency fund” ng DePed o kung meron nang pondong ganito, lakihan mula sa 5 hanggang 10 percent? Noong 2022, ang budget ng DepEd ay P633.3B at lumaki ito sa P710.6B sa kasalukuyang taon. Sa proposed national budget sa 2024 ay P758.6-B ang panukala, 5 percent lamang nito ay P37-B pesos na. Pasok na pasok ang nawalang pondo ni VP Sara.

Kaya nga, sinasabi ko ang giyerang pulitika na ito ay magkakalaman sa Bicam sa susunod na linggo. Kapag naisingit ito ng Senado at Kamara sa ibang pangalan, at tumahimik ang mga kampo nina VP Sara at Digong, gayundin ang kay Speaker Martin. Alam na this! Pera-pera lang talaga. Ang masasabi ko lang, everybody happy silang lahat at tayong taxpayers naman ang palagiang lugi.

TAGS: column, election, jake maderazo, Martin Romualdez, news, Radyo Inquirer, Sara Duterte, wag kang pikon, column, election, jake maderazo, Martin Romualdez, news, Radyo Inquirer, Sara Duterte, wag kang pikon

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.