Limang rehiyon ang apektado ng shear line.
Ayon kay Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal, hagip din ng shear line ang Bicol region, Calabarzon, Eastern at Western Visayas at maging sa Caraga region.
Sabi ni Timbal, nasa 81,000 na pamilya o 307,000 katao ang naapektuhan ng shear line.
Pinakamalaki aniya ang Eastern Visayas kung saan umabot sa 133,00 katao ang naapektuhan.
Mahigit 3,000 na pamilya aniya ang lumikas at nanatili sa ibat ibang evacuation centers habang ang iba ay nakituloy sa mga kamag-anak.
Patuloy aniyang biniberipika ng OCD ang dalawang naiulat na nasawi sa Samar.
Dahil sa malakas na pag-ulan, sinabi ni Timbal na may mga naitalang landslide sa Region VIII habang nawalan ng suplay ng kuryente ang ilang lugar sa Carag region.
Nasa 21 kalsada aniya ang nasira at hindi madaanan ng mga sasakyan.
“Gusto ko po sanang ipaalala sa mga kababayan po natin diyan sa mga areas na inuulan po ngayon ‘no, na kahit wala po tayong bagyo at nakakaranas po tayo ng pagbaha, kailangan pa rin po natin na tumalima sa ating mga local government units/mga lokal na pamunuan kapag sila po ay nagbigay-abiso sa atin ng pag-evacuate. Ang atin pong pagsunod sa kanila ang siyang makakasiguro po na makakatanggap tayo ng tulong at iyong karampatang assistance mula sa ating pamunuan diyan po sa lugar na iyan,” pahayag ni Timbal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.