Naglaan ang Department of Budget Management ng P15.3 bilyong pondo para sa pang-suporta sa mga overseas Filipino workers.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakapaloob ang pondo sa 2024 national budget ng Department of Migrant Workers.
Sabi ni Pangandaman, layunin nito na makapaghatid ng mas malaking tulong at proyekto para sa mga migranteng manggagawang Filipino.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., hinding-hindi po pababayaan ng ating pamahalaan ang kapakanan ng ating mga migrant workers. They are our heroes. Dapat lang na sila po ay matulungan at maalalayan, lalo na sa panahon ng krisis. Katuwang po nila kami sa DBM. Katuwang po nila ang pamahalaan,” pahayag ni Pangandaman.
Kasama sa panukalang budget ang pondo ng OWWA Emergency Repatriation Program (ERP) na may alokasyong P9.7 bilyon para matulungan ang mga OFW na sapilitang pinauuwi.
Nasa P9 milyong dagdag na pondo ang inilaan sa programang Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program (BPBH) na tatanggap ng P440.115 milyon sa susunod na taon.
Ang BPBH ay isang pakete ng livelihood support na naglalayong magbigay ng agarang tulong sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs).
Layon ng programa na magbigay ng entrepreneurship development training at cash assistance na nagkakahalaga ng P20,000 bilang start-up o karagdagang kapital.
Sabi ni Pangandaman, naaayon ang nabanggit na proyekto sa pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang interes ng mga migranteng manggagawang Filipino at protektahan sila sa mga sitwasyon ng krisis.
Maliban dito, may karagdagang P227.995 milyon ang inilaan sa Tulong Pangkabuhayan sa Pag-Unlad ng Samahang-OFWs (TULONG PUSO) na layong suportahan ang pagbuo, pagpapahusay, o pagpapanumbalik ng mga proyektong pangkabuhayan ng mga organisasyong OFW.