COA report sa Pharmally purchases ng Duterte-admin hawak na ng Senado
Naisumite na ng Commission on Audit (COA) ang special audit report ukol sa kontrobersyal na pagbili ng Duterte administration ng COVID 19 essentials sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Nalaman ito sa deliberasyon sa Senado ng P13.53 billion 2024 budget ng komisyon base sa pag-uusisa ni Sen. Risa Hontiveros.
Ibinahagi ni Sen. Sonny Angara, sponsor ng COA budget, na ang audit report ay hawak na ni Senate President Juan Miguel Zubiri noon pang Setyembre 19.
Nakapaloob ang ulat sa siyam na libro at laman nito ang mga detalye ng kasunduan ng nagdaang administrasyon sa Pharmally.
Nabanggit din ni Angara na natalakay sa ulat ang naging partisipasyon ng bawat opisyal sa pangunguna ni dating Health Sec. Francisco Duque III at iba pang matataas na opisyal ng mga sangkot na ahensiya.
Kabilang sa mga nalinawan ang kabiguan ng DOH na gawin ang kanilang “administrative control” para matiyak ang suplay ng medical supplies, nabigo din ang ang kagawaran na makipag-ugnayan sa DBM – Procurement Service para sa maagap na pagbili, schedule ng deliveries at ang paggamit ng mga suplay.
Naipunto din ang hindi makatarungan na presyo ng mga medical supplies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.