Ipinanukala ni Senator Alan Peter Cayetano na gawing dalawa hanggang tatlong taon ang “budget cycle” ng Commission on Elections (Comelec).
Ito aniya ay para na sa paghahanda ng Comelec sa 2025 “midterm elections.”
Sa deliberasyon ng 2024 budget ng Comelec, sinabi ni Cayetano na mahihirapan ang Comelec sa taunang budget sa gagawing paghahanda sa susunod na eleksyon.
Punto niya, sa 2025 budget pa maisasama ang pondo para sa naturang eleksyon ngunit sa susunod na taon ay sisimulan na ang mga paghahanda.
Ito ay maaaprubahan pa sa Disyembre sa susunod na taon at magiging epektibo sa unang buwan ng 2025 o ilang buwan na lamang bago ang eleksyon.
Dagdag pa ng senador na naging matagumpay ang idinaos na Barangay and Sangguniang Kabataan elections dahil sa nagkaroon ng sapat na panahon ang komisyon na makapaghanda.
Hinikayat din niya ang mga kapwa senador na humanap ng paraan para hindi na kailangan na sa Enero 2025 pa magkaroon ng pondo ang Comelec para sa nabanggit na eleksyon.