Labis na hindi nagustuhan ng mga senador ang inasal ng isang opisyal sa kalagitnaan ng budget deliberations.
Kawalan ng respeto, ayon sa mga senador, ang ginawa ni Philippine Retirement Authority (PRA) Gen. Manager Cynthia Carrion.
Nabatid na na nagpadala ng text messages si Carrion sa mga senador at nagsabi na tigilan na ang pag-usisa ukol sa budget ng mga ahensiya.
Ikinatuwiran ni Carrion na matagal na silang naghihintay para maisalang sa deliberasyon ang pondo sa susunod na taon ng kanilang ahensiya.
Sa mensahe nito kay Sen. Risa Hontiveros, pinagsabihan niya ang senadora na putulin na ang pagtatanong sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Diin ni Sen. Jinggoy Estrada na walang karapatan si Carrion na diktahan ang mga senador dahil ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.
Nagbilin naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat ay mag-public apology si Carrion dahil hindi akma sa isang opisyal ng gobyerno ang kanyang ginawa.
Humingi naman ng paumanhin si Tourism Sec. Cristina Frasco dahil nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa ang PRA.
Tiniyak niya sa mga senador na bibigyan ng kaukulang aksyon ang inasal ni Carrion.
Kasunod nito, nagpa-alala si Senate Majority Leader Joel Villanueva ukol sa Code of Conduct and Ethical Standards na dapat ay sinusunod ng mga opisyal ng gobyerno.3