P41/K – P48/K ng bigas sa Kapaskuhan – DA

INQUIRER PHOTO

Sa pagtataya ng Department of Agriculture (DA) maaring P41 hanggang P48 ang maging bentahan ng bigas sa susunod na buwan.

Ibinahagi ito ni Agriculture Asec. Arnel de Mesa sa pagdinig ng House Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Quezon Province 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga.

Sinabi ni de Mesa na inaasahan nila na ang well milled rice ay aabot sa P48 kada kilo, samantalang maglalaro naman sa P41 – P43 ang regular milled rice.

Komento naman ni Enverga na ang mga naturang presyo ay taliwas sa posisyon ng ilang sektor dahil tumataas ang farm gate price o ang presyo sa mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang ani nilang bigas.

Pagbabahagi pa ni de Mesa na ang kasalukuyang presyo ng bigas sa mga merkado ay maaring bumaba o tumaas pa.

Aniya sa ngayon ay naani na ang 95 porsiyento ng palay sa bansa at ang natitira na lamang ay “premium rice variety.”

Tiniyak naman ng opisyal sa komite na may sapat na suplay ng bigas sa bansa pagpasok ng bagong taon.

 

 

Read more...