Christmas convoy sa Ayungin Shoal, binara ng NSC

Hindi payag ang National Security Council sa balak ng isang grupo na makapagsagawa ng Christmas Convoy Civilian Mission sa Ayungin Shoal.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na maituturing kasi na hotspot at mataas ang tensyon sa Ayungin Shoal dahil sa panggugulo na ginagawa ng China.

Halimbawa na ang laser pointing ng barko ng China sa barko ng Pilipinas, ang delikadong maneuvers ng mga barko nito at pagbangga mismo sa mga sasakyang pandagat ng bansa na kinomisyon  para magsuplay sa mga tropa sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Malaya, dini-discourage ng kanilang hanay ang ano mang uri ng Christmas mission sa Ayungin Shoal dahil sa usaping seguridad.

Pinapayuhan ni Malaya ang mga nagbabalak na magsagawa ng Christmas mission na ibigay na lamang ang donasyon sa NSC at sila na ang bahalang magdala sa BRP Sierra Madre.

Sa halip na sa Ayungin Shoal, maari namang magsagawa ng Christmas mission sa siyam na iba pang occupied features sa West Philippine Sea.

 

Read more...