Grupong PISTON may tigil-pasada sa Lunes

Magsasagawa ng tatlong araw na tigil pasada ang grupong PISTON simula sa Lunes, Nobyembre 20.

Ito ay bilang pagpalag sa itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng public utility vehicle modernization project sa Disyembre 31.

Isinusulong kasi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing moderno at palitan na ang mga bulok na mga pampublikong sasakyan.

Bilang tugon, sinabi ni LTFRB spokesman Celine Pialago na magpapakalat ang kanilang hanay ng mga sasakyan para mag-alok ng libreng sakay.

Bukod sa LTFRB, tiyak din aniya na may libreng sakay ang Metro Manila Development Authority (MMDA), ang local government units at iba pa.

Base sa talaan ng LTFRB, nasa 120,000 units pa ng mga public utility vehicles (PUVs) kabilang na ang public utility bus (PUB) ang kailangan pang gawing moderno.

Nasa halos 130,000 naman ang consolidated units ng jeep, UV Express, mini bus, at bus na kumakatawan ng 65.03 percent ng overall authorized units at ang natitirang 34.9 percent ay mga individual franchise holders.

Ayon pa kay Pialago, pursigido ang Department of Transportation (DOTr) na ipatupaad ang deadline sa Disyembre 31.

Matatandaang noong buwan ng Marso, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na kailangang rebyuhin muna ang implementasyon ng PUV modernization program.

Marami  drayber at operator ang umaangal sa programa dahil hindi kayang bumili ng mga moderno at mamahaling sasakyan.

Taong 2017 nang ipatupad noon ni dating Pangulong Duterte ang PUV modernization program at target na tapusin sa noong 2020.

Read more...