2024 budget ng Office of the Ombudsman lusot sa 5 minuto

Kinailangan lamang ng limang minuto para makalusot sa deliberasyon sa plenaryo ng Senado ang pondo ng Office of the Ombudsman sa susunod na taon.

Ikinagulat din ni Ombudsman Samuel Martires ang mabilis na pag-apruba sa kanilang panukalang P5.34 bilyon.

Walang senador ang nagka-interes na kuwestiyonin pa ang detalye ng pondo ng ahensiya.

Ibinahagi na lamang din ni Martires na ibinigay na lamang din ng mga senador ang hiling nilang P1 milyon confidential fund.

Aniya, P50 milyon ang ipinanukala ng Malakanyang ngunit siya na mismo ang nagpatapyas nito dahil sa mga kontrobersiyang bumabalot sa secret funds ng ibang ahensiya.

Inamin din ni Martires na nakakakuha sila ng mga impormasyon at nakakapagsimula ng imbestigasyon ukol sa mga katiwalian mula sa mga “marites” at “tolits.”

Kasabay nito, inanunsiyo ng chief graft investigator ng bansa ang balak nilang magtayo pa ng mga karagdagang satellite offices sa ibat-ibang bahagi ng bansa para mas mabilis na makapaghain sa kanila ng mga reklamo.

Bukod dito aniya ay mabilis din na makakakuha ng clearances ang mga magreretirong opisyal at kawani ng gobyerno.

Read more...